102-275 Broadway
Winnipeg, Manitoba
Canada, R3C 4M6
Phone: (204) 949-0811
Fax: (204)956-0848
Toll Free: 1-888-843-1229
(Manitoba only)
Email: mflohc@mflohc.mb.ca

MFL Occupational Health Centre, Inc.



Paano Makapipinsala Sa Inyo
Ang Mga Kemikal Sa Trabaho

Libu-libong mga kemikal ang ginagamit sa mga pook ng trabaho sa Manitoba. Ang mga ito ay maaaring ang mga hilaw na sangkap sa paggawa ng mga produkto o kaya ay ang produkto mismo. Ang ibang kemikal ay ginagamit na panlinis o panlangis sa pagpoproseso. At ang iba naman ay kakambal na produkto (byproducts) ng pagpoprosesong industriyal.

Ang mga kemikal ay may iba't ibang anyo. Ang mga ito ay maaaring solido o buo, tunaw o likido, singaw, gas, alikabok, usok, o ulap. Kadalasan ang akala natin sa mga kemikal ay likido tulad ng asido, mga pantunaw (solvents) at langis o kaya ay mga gas tulad ng carbon monoxide o oksiheno. Subali't ang mga metal, tulad ng tingga at nikel, o mga mineral, tulad ng asbestos at silika, ay mga kemikal din.

Maraming mga kemikal ang makapagkakasakit sa inyo. Ang ilan sa mga ito ay maaaring maging sanhi ng inyong dagliang pagkakasakit sa mismong sandali o kaya ay mga ilang oras matapos na malantad kayo sa mga ito. Ang isang kemikal ay maaaring magdulot ng sakit ng ulo at pagkawala ng koordinasyon; ang iba naman ay makapagpapahapdi sa inyong mga mata. Ang ibang kemikal ay nakawawala ng malay o kaya ay nakamamatay. Ang ibang kemikal ay maaaring inyong ikapagkasakit pagkatapos lamang ng mahabang taong pagkalantad sa mga ito. Halimbawa ang mga kemikal na ito ay maaring magbigay sa inyo ng kanser, sakit sa bato o pagkapinsala ng nerbiyos.

Ang inyong pagkakasakit ay depende sa mga sumusunod:

Ang kemikal ay nakapapasok sa iyong katawan sa tatlong pamamaraan:

 

Mga kemikal na
nakapipinsala sa baga

  • asbestos
  • silica
  • usok sa pagwewelding
  • toluene diiscocyanates

Mga kemikal na
nakapipinsala sa utak at sistemang kaugnay sa mga nerbiyos

  • organikong solbento o pantunaw
  • tingga
  • organikong asoge o merkuryo
  • carbon monoxide
  • manganese

Mga kemikal na
nakapipinsala sa bato

  • tinga
  • cadmium
  • arseniko

Mga kemikal na
nakapipinsala sa
sistema ng reproduksiyon

  • tingga
  • ibang organikong solbento o pantunaw
  • lason sa mga peste

Mga kemikal na
nakapipinsala sa atay

  • arseniko
  • trichloroethylene
  • perchloroethylene
  • dimethyformamide
  • iba pang organikong solbento

 

Sa bawa't paghinga ninyo

Ang pinakapangkaraniwang paraan para ang kemikal sa pinagtatrabahuhan ay makapasok sa inyong katawan ay sa pamamagitan ng paglanghap sa mga ito. Para ito mangyayari, ang kemikal ay kinakailangang kasama sa hangin bilang alikabok, singaw, gas o kaya'y ulap.

Ang inyong daanan ng hininga sa ilong at ang sapin ng malalaking daluyan ng hangin ay sinasala ang mga may kalakihang katiting at hinahadlangan na malanghap ang mga ito. Ang mga katiting na ito ay naiaalis sa tuwing kayo ay sisinga, uubo, o babahin o lululon ng plema na umalis sa daanan ng hangin. Subali't, ang mga maliliit na katiting na hindi nakikita ng mga mata ang pangkaraniwang nakapapasok sa inyong baga.

Kapag nasa baga na, ang mga kemikal ay titigil na doon at mamiminsala. Nagugurlisan at naiirita nila ang himaymay (tissue) ng baga, gumagawa ng sobrang plema, pinagsisikip ang daanan ng hangin, at nagiging sanhi ng kanser.

Ang ibang nalanghap na kemikal ay maliit lang ang ginagawang pinsala sa baga, subali't ito ay sumasama sa daloy ng dugo at pumipinsala sa ibang bahagi ng katawan.

Mas malalim sa balat

Ang balat ay mahusay na pananggalang ng katawan. Ito ay gumagawa ng sariling langis para hindi matuyo ang balat. Kapag ang langis na ito ay nawala, halimbawa ng isang panglinis sa grasa, mababawasan ang kakayahan ng balat na maging panangga sa mga mikrobyo at kemikal. Ang mga sugat at galos ay may ganoon ding epekto. Sa oras na makapasok sa katawan, ang mga kemikal ay maaaring sumama sa daloy ng dugo at pinsalain ang ibang organ o bahagi ng katawan. Ang mga kemikal ay nakapipinsala din sa mismong balat tulad ng pagkakaroon ng iritasyon, pagkapaso/sunog, reaksiyon kaugnay sa allergy at kanser sa balat.

Reaksiyon sa loob ng bituka

Ang iba pang paraan upang ang kemikal ay makapasok sa inyong katawan ay sa pamamagitan ng paglulon sa mga ito. Hindi iniinom o kinakain ng mga tao ang kemikal sa trabaho. Kung hindi kayo makapaghugas ng kamay dahil sa hindi maayos ang washroom, o kaya'y doon kayo kumakain sa mismong lugar ng pinaggagawaan, ang iyong pagkain ay maaaring magkaroon ng kontaminasyon sa kemikal na inyong ginagamit. Ang paninigarilyo o pagnguya ng gum ay nakapagdadala rin ng kemikal sa inyong bibig. Ang mga katiting na kemikal na nasasala sa iyong plema na inaalis ng inyong baga ay maaari ding malulon

Ang paglulon ng kemikal, kahit katiting lamang, ay nakapipinsala. Ang mga sustansiyang pantunaw at ang atay ay nakatutulong upang mabawasan ang pamiminsala ng mga kemikal. Gayunpaman, may posibilidad pa rin na ang kemikal na nalulon ay makapinsala sa inyo.

Hindi nilikhang pantay pantay

Hindi lahat ng kemikal ay naka-pipinsala sa buong katawan. At hindi rin lahat ng kemikal ay pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng lahat ng daanan. Gayundin, ang mga kemikal ay nagkakaiba sa kinakailangang dami o unti para ang mga ito ay maka-paminsala.

Bihi-bihira na ang mga tao ay nalalantad sa isang kemikal lamang. Ang ibang kemikal ay maaaring magtulung-tulong sa katawan at ang epekto ng bawa't isa ay makadagdag sa paglala ng pinsala. Kung minsan, ang ibang kemikal na may limitadong epekto sa inyong katawan kung kayo ay malantad dito kapag ito ay nag iisa ay nagkakaroon ng malubhang epekto kung kayo ay malantad sa mga ito kapag ang mga ito ay sama-sama.

Marami pa ring mga kemikal na hindi natin alam ang lahat ng posibleng epekto sa kalusugan. Sa ganitong mga pangyayari, ang pinakamabuting panuntunan ay kilalanin na ang lahat ng mga ito ay makapipinsala hangga't ang epekto nila sa kalusugan ay hindi napag aalaman ng buo.

Ano ang magagawa mo

Kung kailangan pa ninyo ng mga karagdagang impormasyon o kung hindi kayo nakatitiyak na kayo nga ay protektado ng lubusan, makipag-usap sa mga kawani sa MFL Occupational Health Centre.

Translation from English made possible with the financial assistance of the Workers Compensation Board of Manitoba.

April 2000